pamilya

Nakangiti ang lahat na may magagandang barong kasuotan ang pamilyang nasa larawan. Tila ba’y buo at masayang pamilya. Ngunit nais mo bang malaman ang kwento nila? Ang takbo ng buhay nila sa likod ng kamara? At kung ano nga ba ang mayroon sa mga ngiting nakapaloob sa lumang retrato nila?

‘Nakakatakot ka, alam mo ba?’ ang sabi ng iba sa punong padre de pamilya. Dahil kahit sa magandang ngiti niyang iyon ay nakatago ang masasamang mga bagay na nagawa na niya. Ang pagpatay sa mga manggagawa nila, pagpapahirap at ang pag-aalipin sa mga ito.

          Maganda kung matitigan ang pamilyang kanilang kinabibilangan subalit sa likod ng kanilang mga maskara’y nakasilay ang ngiting kinamamatay ng iilan. At kung iyo pang makakabanggan ay hindi lang ikaw ang malalagasan sapagkat damay-damay na pati ang iyong pamilya. Patay kung patay, malalagasan ng buhay at miski bata’y mamamatay. Dahil gan’yan ang pamilya nila, lahat ay kakayaning gawin para sa pera, kapangyarihan at sa ngalan ng pamilya. Lahat ay babanggain at wala ng sasantuhin.

          Ngunit hindi man matabunan ang alingasaw ng amoy ng dugo sa kanilang mga kamay, sa litrato’y natatakpan naman nila ang mga iyon. Lahat na nga’y natabunan, sapagkat sa matatamis nilang salita’t mapanlokong mga ngiti, ang lahat ay napaikot nang muli.

Leave a comment